Saturday, 7 May 2011

Maligayang araw ng mga Ina!

Naaalala ko pa nung dinadalhan mo ako ng bagong lutong tanghalian araw-araw sa paaralan, pwede naman akong magbaon, pero sabi mo mas maganda sa katawan ang mainit.

Kadalasan sa tuwing ako'y magigising sa umaga wala ka na sa aking tabi. Dahil nakabangon ka na at nakapamalengke upang itinda, nang sa ganoon ay may maipandadagdag na pera na panggastos.

Sa hapon nagtitinda ka pa sa mga eskwelahan ng iskrambol at bananaque. At kung anihan naman ng palay, nandun ka at namamagpag, tinitiis ang nakakapasong init ng araw, upang makapag uwi ng isang kilong bigas. Lahat yun alam ko at nakita ko. Subalit wala akong narinig ni isang reklamo galing sa iyo.

Pagod ka na, pero may lakas ka pa para ipaglaba kami at ipagluto. Minsan naiinis pa ako kapag ako ang inuutusan mong magbomba ng poso. Kung tutuusin eh wala iyon kumpara sa hirap mo. Pero wala kang reklamo.

Ilang beses ko ring napagmasdan ang sakit sa tuwing nakikita mo akong nakatanghod sa mga pasalubong ng bagong dating nating kapitbahay galing sa ibang bansa para sa kanyang pamilya. Oo, alam kong masakit sa iyo na hindi mo maibigay sa amin ang mga bagay na iyon. Naiiinggit ako, ngunit nauunawaan ko.
Grade 4 ako nang umalis ka para magtrabaho sa UAE. Alam ko mahirap sa iyo na iwanan kami, pero kailangan mong tiisin dahil nais mo ang magandang kinabukasan para sa amin.

Walang graduation naming magkakapatid sa elementary o high school ang nakauwi ka. Importante sa amin na naroon ka sa araw ng aming pagtatapos, ngunit natuto kaming unawain na mas masakit sa iyo na wala ka sa araw na iyon. Alam namin na ang lahat ng sakripisyo ay may katumbas na kaginhawahan.

Maraming bumatikos, nanlait at nanghamak sa iyo, bakit daw pinagpipilitan mo kaming paaralin sa isang private school eh hindi mo naman kaya. Hindi nasira ang loob mo. Dahil nais mo ang magandang edukasyon para sa amin. Lagi mong sambit "MAY AWA ANG DIYOS."

Mahirap lumaki nang wala ka. Maraming kaklase ang nanlait dahil sa naninilaw at gusot kong uniporme. Madali para sa kanila ang mangutya. Sabi pa nga ng isa kong guro,"Hoy, hinahabol ka na ng plantsa." Nagtawanan naman silang lahat. Hanggang ngayon rinig ko pa rin ang halakhak ng ilan sa aking isip. Lumaki akong my inggit dahil sa mga nakikita ko sa kanila na wala ako. Subalit natutunan kong magtiis at maging malugod sa kung ano ang mayroon. Nang cnabi ko syo yun, batid ko ang hapdi sa iyong puso. Nasambit mo na lang, "Anak, mas pinagpapala ang inaapi. Pagpasensyahan mo na lng dahil ikaw ang nakakaunawa. May awa ang Diyos."

Sa bawat pag-uwi mo ay ligaya at pagkasabik ang dulot. Sa bawat paglisan mo hinagpis at pangungulila ang sakit. Ang sabi mo, "Anak, wag kang mag-alala sandali lang naman ang 2 taon. Magpapakabait ka at mag-aral. May awa ang Diyos."

Hindi sapat ang mga salita upang maipahayag ko ang labis kong kaligayahan at pagpapahalaga sa aking dakilang inang si Maria Salvacion Gabay Bautista. Hindi ako magsasawang sabihin ng paulit-ulit ang labis kong pagmamahal sa iyo, aking ina. Maraming salamat! Maligayang Araw ng mga Ina!

No comments:

Post a Comment